“Wikang Filipino, Wikang Mapagbago



“Wikang Filipino, Wikang Mapagbago”
Magandang hapon sa inyong lahat! Masasabi kong isang malaking karangalan na kayo ay aking makaharap sa hapong ito. Ngayong  araw na ito, ay ginugunita natin ang ating Wikang Pambansa.  Ito ang pinakamahalagang okasyon sa lahat ng paaralan at kaganapan na inaantabayan ng lahat ng level ng paaralan. Tuwing ginugunita natin ang Buwan ng Wika ay mapapansin niyong ito ay may kinatatampukan ng iba’t ibang  patimpalak gaya ng paggawa ng slogan, pagsusulat ng sanaysay, paglikha ng jingle, patimpalak gaya ng sabayang pagbigkas, pagtatalumpati at iba pa. Ito ay isang paraan upang  makita ang kahusayan natin sa ating wika, mahasa ang ating kakayanan,  ipakita ang ating pagpapahalaga sa ating wika  at ipagmalaki ang ating wika. Ang wika ay napakahalaga sa isang bansa, ito ay ginagamit natin upang maipahayag ang ating damdamin at ito ang dahilan para magkaintindihan tayo. Ang wika ay isa sa mga yaman na pinakaiingatan ng mga tao. Kaya nararapat lamang na pangalagaan natin ito dahil dito nakikita ang ating pagkakakilanlan. Ilang taon na rin ang nagdaan mula ng ideklara ang Tagalog, na ngayon ay Filipino bilang pambansang wika ng dating Pangulo na si Manuel L. Quezon. Karamihan na sa ating kababayan ngayon ang mas ninanais gamitin ang banyagang salita sa loob at labas ng tahanan at kung minsa’y kinakahiya at pinagtatawanan pa. Sa panahon ngayon, ang mga magulang ay tinuturuan ang kanilang anak ng salitang banyaga imbes na ang ating sariling wika. Kung mapapansin n’yo ang mga kabataan ngayon ay mas nalinang na ang kanilang pananalita ng  banyaga kesa sa tagalog na tila ba hindi na nila alam magsalita ng ating sariling wika. Lalo na noong nauso ang Korean drama o mas kilalang Kdrama na kinatatampukan at kinahihiligan  ng mga kabataan. Na kung saan ay, gusto nilang matutunan ang mga wika ng mga Korean at pati na rin ang mga kasuotan nila.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Wikang Filipino, Wikang Mapagbago” dahil narin sa mga pagbabago ng ating lipunan at dahil narin  sa kadahilanang at katotohanang ang wikang Filipino ay patuloy na yumayaman. Na kung saan ang ating wika ay maaaring magbago dahil na rin sa ating pabago-bagong panahon. Maaaring ang mga kinagisnan na mga salita ay hindi na magagamit pa dahil may mga nabubuong mga bagong salita at ang mga dating mga salita ay napapaibabawan na. Isang bansa libo-libong dayalekto. Iloco, Tagalog, Ilonggo, Kapampangan, Waray, Pangasinense, Cebuano at iba pa. Ngunit isang wika ang namamayani, pinagbuklod-buklod ang mga mamamayan upang makamit ang tunay na kalayaan. Ito ay ang ating Wikang Filipino. Ang ating wika ang nagsisilbing tatak ng isang bansa ang nagsisilbing susi sa pag-unlad at pagkamit ng kalayaan. Ngunit sadyang ang lahat ay nagbabago pati na rin ang ating wika. Ito ba ang daan ba  tungo sa pag-unlad? o daan tungo sa kasarimlan? Maaring ito ay dulot ng mga makabagong teknolohiya na ating kinaaaliwan o kaya’y ito ay dulot ng mga makabagong henerasyon. Marami na rin ang naidadag-dag sa diksyunaryo taon-taon.  Bagamat hindi ito dahilan upang hindi natin makamit ang ating mithiin. Mithiing maipahayag ang ating damdamin, mithiing makapagbigay ng saya sa mga tao. Dulot ng makabagong henerasyon kasabay ng pag-usbong ng mga makabgong teknolohiya, ay umuusbong ang mga salitang “Edi waw”, “Boom panes”, “lodi” , “petmalu”, “werpa” at iba pa. Kung mapapansin n’yo ay ang mga salita ay binabaliktad. Ito ay usong- uso na binibigkas ng mga kabataan ngayon dahil nakikita at nababasa nila ito sa mga social media. Katulad na rin ng mga “Spoken poetry”, “para sa”, “hugot lines” at iba pa. Ito ang mga umuusbong at napapanahon na mga sikat na salita. Gamit ang mga ito, ay naipapahayag ang mga daing ng mga mamamayan, pag-ibig man ito o mga isyu sa lipunan. Bagamat ang wika ay nagbabago, ito naman ang nagsilbing daan upang tayo ay kumilos para sa ikakaunlad ng ating sarili at ikaunlad na rin ng bansang Pilipinas. Makabago man ang henerasyon natin ngayon, Wika parin ang magsisilbing daan upang maisagawa at maisapuso ang mga layunin at magsilbing gabay na rin tungo sa inaasam na mithiin ito rin ay may malaking impluwensya sa paghubog  ng ating kalinangan.
Sadyang ang ating Wika ay nagbabago ngunit ang pagbabagong dulot nito ay ang pag-unlad na hinahangad ng mga mamamayang Pilipino. Ika nga ni Dr. Jose Rizal, “Ang taong hindi marunong magmahal sa sarling wika ay masahol pa ang amoy sa malansang isada”. Iba man ang henerasyon na meron tayo ngayon, huwag nating kalimutan ang ating sariling wika dahil ito ang tatak nating mga Pilipino. Taas noo nating ipagmalaki ang ating sariling wika at itaguyod ito. Ang pagdiriwang natin ng Buwan ng Wika ay magsilbing paalala na dapat ipagmalaki natin ang ating wika dahil ito ay nakapag bubuo sa ating mga Pilipino. Sana isang araw ay mangibabaw ang ating sariling wika o salitang Filipino sa pang-araw araw na buhay ng ating mga kababayan. Wikang Filipino para sa  mamamayang Pilipino.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Balik Loob

Halos mapasaakin kana